KOMUNIDAD


------------------------------------------

Bhinneka tunggal-ika

ni Juliet Villamor

Ang pag-inog ng mundo ay paiba-iba, kadalasa’y hindi nagtatagpo ang mga bagay-bagay at minsa’y hindi nagkakasalubong sa gitna. Minsan rin, may mga pagkakataong nasa ibaba at mayroon ding nasa itaas katulad ng sa gulong. Sa bawat tama ay may katumbas na mali, ang lahat ng oo ay may hindi, ang lahat ng mga bagay ay may pagkakaiba’t kasalungat na pangyayari. 

Magkaiba man ang ating mundong ginagalawan, may mga pagkakataon pa ring tayo ay nagkakapit-bisig at nagkakaisa tungo sa isang adhikain. Mga layunin natin ay nagkakatulad tungo sa isang mithiin at iyon ang kaunlaran hindi lamang sa aspetong pang-ekonomiya ngunit sa lahat ng aspeto ng buhay tulad ng sa larangan ng edukasyon, pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan at marami pang iba. 

Bilang paunang hakbang sa pagbabago, sinimulan ng Association of South East Nations (ASEAN) isang samahan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya ang isang pagbabago sa kabuuan ng isang lipunan o bansa. 

Kaugnay sa mga layunin ng organisasyon, nakikialyansa ito sa mga mabababang sektor ng lipunan dahil sa malaking ambag nito sa kabuuan. Bilang isang kabataan at isang mag-aaral na nangangarap rin ng kaunlaran, sisimulan ko ang pagbabago sa aking sariling pananaw at himukin ang iba lalong-lalo na ang aking kapwa kabataan sa pagkakaisa sa likod ng aming pagkakaiba.

Hindi batayan ang pagkakaiba sa kaunlaran ng bansa. Oo, magkaiba man tayo ng pananaw, tradisyon, kulay, kasarian, kultura at sa pakikisalamuha, hindi ito nagsisilbing hadlang sa pagbabagong kinakaharap natin. Nasa ating mga kamay nakasalalay ang katiwasayan at kaginhawaan ng ating kinabukasan at sa susunod pang mga henerasyon.

Yakapin natin ang bawat pagkakaiba, pisikal o panloob man na katayuan, may kapansanan ka man o wala, mayaman ka man o hindi, babae ka man o lalaki, magkaiba man ang lahing ating pinagmulan, iisa pa rin ang ating pangarap at mithiin, ang maranasan ang tunay na paraiso sa mundong ito. Tayo’y magkakapit-bisig, magkakaisa sa likod ng ating pagkakaiba. Ang lahat ng ito ay makakamit sa pamamagitan sa larangan ng edukasyon, edukasyong panlahat. 

“Education is for all, in the sense that we will not give emphasis to one sector but in the sense that no one is being left behind,” sambit ni Dr. Bianito A. Dagatan, Cebu City School Division Superintendent sa kanyang talumpati sa ginanap na pakikipanayam ng mga batang manunulat sa kasali sa Regional Schools Press Conference. 

Ipinabatid nito na dapat sabay-sabay tayong aahon sa ating nakasanayang mundo. Hayaan natin ang ating mga  sarili ang pagbabago nang walang iniiwanang bakas ng pagkabigo’t kahirapan. Isa-isang isigaw sa mundo na tayo, tayong Pilipino ay kaya rin nating makikipagkompetinsya sa iba’t ibang larangan gamit lamang ang mga talentong namumukod-tangi sa lahat. Kaya nating ipagsigawan sa mundo na kahit hiwa-hiwalay ang ating mga pulo, iba-iba man at minsan magkasalungat ang ating mga pananaw at kultura, kaya nating basagin ang tanikalang nakakadena sa ating sarili’t bansa. 

Subukin man ng panahon at pagkakataon, madapa man ay muli namang babangon at handang-handa ulit harapin ang mga unos at bagyo-bagyong hamon. Ang layunin ng ASEAN at ng isa sa atin ay hindi nagkakalayo, walang nais maiwan sa kawalan kung kaya’y humarap at niyakap natin ang pagbabago ng buong puso at taas-noong ipinagmamalaki na tayo ay Pilipino. 

“Bhinneka tunggal-ika,” isang dayuhang lenggwahe mula sa Indonesia, isang bansa kabilang sa ASEAN, nangangahulugang pagkakaisa ng lahat sa likod ng napakaraming pagkakaiba na siyang niyakap ng bawat bansa.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

OPINYON

ISPORTS

BALITA