ISPORTS


------------------------------------------------------

Regu B namayagpag kontra Regu A

ni Jay Capuras

Lumalagablab na opensa at depensa ang naging armas ng Regu B upang makamit ang panalo sa matindi nitong karanasan kontra Regu A, 2-1 sa kanilang Sepak Takraw exhibition match sa ginanap na Regional Schools Press Conference kasabay ang mainit na panahon sa Don Carlos A. Memorial National High School, ika-10 ng Disyembre.

Pinangunahan ni kapitan, Roy Subing-subing, ang Regu B na humakot ng 23 puntos at dalawang blocks para maungusan ng Regu B ang Regu A sa matindi nilang salpukan at maibulsa ang panalo.

“Tatag lang ng loob at pananalig sa sarili at koponan magiging maganda ang kalabasan ng laro,” ayon kay Subing-subing, na hinirang best player.

Naging agresibo sa unang set ang Regu B matapos ipinamalas ang mga dumadagundong na sunback spayks at nag-aapoy na mga headers sa pamumuno ni Subing-subing.

Humantong naman sa unforced error ang napupol na opensa ng Regu A sa unang yugto na  nagbigay puntos sa Regu B at mapasakamay ang unang set, 25-16. 

Sa ikalawang yugto, patuloy ang pananalasa ni Subing-subing na nagbigay ng magandang agos na opensa at mala-pader na depensa ng Regu B na pumukol ng 5-0 run para pahiyain ang Regu A, 8-3 at malagasan ng  time-out.  

“Pokus lang sa laro wag kayong kabahan nawala na ang inyong komunikasyon at teamwork dapat nating maibalik yan,” ani ni Regu A coach, Charice Archival.

Nakatighaw naman ang Regu A sa pagpatuloy ng laro matapos magpakitang gilas at niladlad ang matinding opensa matapos ang time-out. 

Bumandera si Eduardo Intod na bumulwak ng 10 puntos kasama na dito ang pitong service aces habang siyam na puntos naman ang naidagdag ni Harold Batuigas mula sa kanyang nagbabagang strayks para masungkit ng Regu A ang pangalawang set, 21-19.

Sumidhi ang labanan matapos ang hudyat ng huling set nang nagpasiklaban si Subing-subing gamit ang kanyang hindi mapigilan na headers at sunback spayks ni Batuigas.
Dinala ni Subing-subing ang Regu B na umani ng pitong puntos samantalang anim lamang na puntos ang nalikom ni Batuigas sa huling set.

“Nakulangan lang kami ng pukos sa laro kaya hindi namin napigilan at nasabayan ang momentum na ipinapakita ni Subing-subing,” ayon kay Batuigas matapos ang kanilang pasiklaban.

Tangan ang mabigat na dedikasyon at determinasyong manalo, naangkin ng Regu B ang matamis na panalo matapos nahirapan sa mga matinding spayks ni Batuigas at kasapi ng Regu A.

“Ginawa lang ng mga bata ang kailangan nilang gawin. Teamwork at komunikasyon lang dagdag ang magandang opensa at depensa ang naging susi para maangkin ang panalo,” sabi ni Coach Marie Antonette Ligan ng Regu B.

Nakatuwang ni Subing-subing ang tekong ng Regu B, John Ronald Sabal, na dumagdag ng walong puntos lahat galing sa kanyang service ace at John Vitor na umani ng apat na puntos para maiuwi ang panalo, 21-17.

Wala pang paghahandaan sa ngayon ang Regu B matapos hindi pinalad sa Cebu City Olympics 2017, pero patuloy ang pag-eensayo para mas maging malakas pa at mas mapaghandaan lalo ang susunod na mga kompetisyon.

 -------------------------------

Alam   mo   ba?
Ang “sepak” ay galing sa salitang Malay na ibig sabihin ay sipa habang ang “takraw” ay galing sa salitang Thai na ang ibig sabihin ay “rattan ball.”
(laffgaff.com)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

OPINYON

BALITA